Saturday, January 2, 2016

MAGING TALANG GABAY

Ang mga pantas o wisemen na naghanap sa pinagpanganakan kay Jesus ay mga taong nagsisilbing gabay o tanda ang mga nasa kalawakan. Nang makita nila ang tala, tuwa ang kanilang nadama, Sa kabila ng pagiging mga pagano, sa pagkakataong iyon ay naranasan nila ang paggabay ng Diyos.

Tala ang nagsilbing tanda ng mga pantas - ito ang naging paraan ng pakikipag-usap ng Diyos sa kanila. Katulad ng pangyayaring ito, ang Diyos ay nakikipag-usap din sa atin sa pamamagitan ng mga gabay o tanda tulad ng mga pangyayari sa ating buhay. Maganda man o hindi ang mga pangyayari sa buhay natin, nais Niyang maramdaman natin ang Kanyang presensya. Katulad ng isang napakasipag na estudyante, ang Diyos ay hindi uma-absent sa buhay natin. Lagi natin Siyang kasama. Hindi man natin Siya nakikita, nagpapakita naman Siya sa pamamagitan ng mga tagpo sa ating buhay.

Noong panahon ng Matanda at Bagong Tipan, maraming pagpapakita ang ginawa ng Diyos. Ang Diyos bilang ating Ama ay nagpakita sa pamamagitan ng Kanyang paglikha - nilikha niya ang lahat sa mundo sa loob ng anim na araw - liwanag, mga dagat at ilog, lupa, mga puno at halaman, araw at buwan, mga ibon, mga hayop at ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga nilikha para ipadama sa atin ang Kanyang presensya.  

Ang ikalawang pagpapakita ng Diyos ay naganap sa pamamagitan ni Jesus. Ayon nga sa Ebanghelyo ni San Juan (10:10, 15:11), sinabi ni Jesus, "Naparito Ako upang ang mga tupa'y magkaroon ng buhay - isang buhay na ganap at kasiya-siya;" "Sinabi Ko sa inyo ang mga bagay na ito upang makahati kayo sa kagalakan Ko at malubos ang inyong kagalakan."

Naganap naman ang ikatlong pagpapakita ng Diyos nang bumaba ang Espiritu Santo noong Pentecostes - ang naging tagapayo, tagataguyod at tagagabay natin.

Ito ang patunay na ang Diyos ay nagpakita upang MAGPABANAL o MAGPANIBAGO.

Sa panahon natin ngayon, nagpapakita ang Diyos gaya nga ng naunang nabanggit sa pamamagitan ng mga tagpo o yugto sa ating buhay para i-transform tayo - para panibaguhin tayo.

Ang tanong - nakikita ba natin ang iba't ibang paraan ng pagdating ng Diyos sa buhay natin? Sino ba ang mga "tala" na ginamit ng Diyos para gabayan tayo at magbigay-liwanag sa ating buhay? Buksan natin ang ating puso, isip at mga mata!

Tayo kaya, paano tayo nagiging "tala" para sa iba?

Maari nating isabuhay ang sinabi ni Anthony Douglas Williams sa kanyang akdang "Inside the Divine Pattern" - "Do one act of kindness each day of the year and change 365 lives." Kung nais ng Diyos na panibaguhin ang tao, paano nga ba tayo magiging instrumento para panibaguhin ang ating kapwa? Maging tala tayo na gagabay sa ating kapwa at maghahatid patungo sa Diyos gaya ng ginawa ng tala sa mga pantas.

Kapag cold ang weather, kailangan nating maging hot! Kapag may kapwa tayo na nanlalamig sa kanyang pananampalataya, banlian natin s'ya ng mga salitang makapagpapabalik ng init nito gaya ng pagbabahagi ng mga pagkilos ng Diyos sa ating buhay. Maging biyaya tayo sa kanila at impluwensyahan natin silang maging biyaya rin sa iba. Ayon sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma (15:1-20, dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina ang pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin. Bigyan natin ng kasiyahan ang ating kapwa kung ikabubuti niya, upang lumakas ang kanyang pananampalataya.

Maging mababang-loob tayo - "Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit napaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng lalong marami." (1 Cor. 9:19)

Be considerate! Ipu-push ba natin sila para sa mabuti o tayo ang magiging daan para masira ang kanilang buhay dahil sa kasalanan? - "Kaya't kung dahil sa pagkain ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang di siya magkasala." (1 Cor. (8:13)

At higit sa lahat, maging magandang halimbawa tayo para sa ating kapwa - "Pagsikapan mong maging huwaran ng mga sumasampalataya: sa pananalita, ugali, pag-ibig, pananampalataya, at kabanalan." (1 Tim. 4:12b)

Maging tala tayo ng ating kapwa sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng mga tagpo sa ating buhay na naramdaman natin ang presensya ng Diyos. Sa pamamagitan nito ay nagtatanim tayo sa puso nila - nagtatanim tayo ng mabuting buto. Sa ating mga ngiti ng tagumpay na dulot ng pagkilos ng Diyos sa buhay natin, nababago natin sila.

Ang tunay na pagbabahagi ng salita ng Diyos ay nagpapanibago sa tao para buksan ang kanilang puso sa Diyos, at makita ang Diyos sa isang Simbahan na may mga taong nagkakaisa bilang magkakapatid.

Friday, January 1, 2016

START THE YEAR RIGHT!

Balikan natin ang mga nangyari sa nakaraang taon. Marami tayong naranasang masasayang pangyayari na hinding hindi natin makakalimutan at ang sarap balik-balikan. Nariyan ang mga pangyayaring nag-angat sa atin - marahil 'yung mga pagkakataong kinilala tayo gaya ng pagtanggap ng awards o pagkilala. Hindi rin mawawala ang mga bagay na sa tulong ng Diyos ay nagbigay ng liwanag sa isip natin - dahil sa mga 'to ay natututo tayo. Mayroon ding mga malulungkot na tagpo na nagpaluha sa atin na dapat na nating ibaon sa limot para mayakap na natin ang Bagong Taon.

Sa lahat ng naganap noong nakaraang taon, marapat lamang na magpasalamat tayo sa Diyos dahil sa kabila ng lahat, nakatindig pa rin tayo.

Sa simula ng taong ito, dasalin natin ang bahagi ng Salmo 136: Awit ng Pasasalamat (1-3, 26):
O pasalamatan ang Diyos na si Yahweh pagkat s'ya'y mabuti,
Ang Kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan,
Ang pag-ibig Niya ay mananatili at pangwalang-hanggan.
Makapangyarihang higit kaninuman itong Panginoon,
Ang Kanyang pag-ibig ay mamamalaging panghabang-panahon.

Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan,
Ang pag-ibig Niya'y hindi magbabago at pangwalang-hanggan!

Isang patunay ang awit na ito na sa DIYOS, MAY FOREVER! Kaya payo lang sa mga nagsasabi ng "walang forever" d'yan, pagnilayan ninyo ang bahaging ito ng Biblia.


Maraming bagay tayong dinasal noong nakaraang taon. Nakakalungkot mang isipin, malamang marami dito ang hindi natupad. 'Wag tayong sumuko! Payabungin natin ang PAG-ASA sa ating puso. May ilan kasi sa atin na sa swerte inasa ang lahat. Sinasabi nila na malas sila kapag hindi nakukuha ang gusto tulad ng pagtaya sa lotto, pagka-casino at iba pang mga sugal. Sana ngayong taon na ito, 'wag nating isipin ang salitang "swerte." Mas mainam na itanim natin sa isip at puso natin na sa taong ito "PINAGPALA" ako. Kapag kasi sinabi nating swerte, hindi natin malaman kung saan ba nanggaling iyon. Pero kung sasabihin nating "pinagpala," garantisado - sa DIYOS nangmula 'yon at wala nang iba.



Ang hirap kasi sa atin, masyado tayong apurado. Nahilig kasi tayo masyado sa mga instant na bagay. Gusto kapag humiling, agad-agad ibibigay. Ang Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan N'ya dapat ipagkaloob sa 'yo ang hinihiling mo. Sabi nga ni Lola Nidora, "SA TAMANG PANAHON." Alam ng Diyos ang tamang panahon para sa atin. Ang dapat lang nating gawin ay MANALIG sa Kanya. Manalig tayo sa Kanyang KABUTIHAN, PAGKALINGA at PAGIGING MAKATARUNGAN.



Kasama ang Mahal na Birheng Maria, magsama-sama tayo sa ISANG PANALANGIN. I-claim na natin na sa bagong taon na ito ay DADALOY ANG AWA AT PAGPAPALA NG DIYOS.



Tulad ni Maria, habang dinadasal natin ang mga kahilingan natin para sa taong ito, makita sana sa atin ng kapwa natin ang MUKHA NG PANGINOON. Maging tagapagdala tayo ni Jesus sa ating kapwa gaya ng pagiging GOD-BEARER ni Maria (Theotokos). Ibahagi natin sa lahat ang KAPAYAPAAN na ipinagkaloob sa atin ni Jesus. 'Yung tipong sa t'wing makikita tayo ng ibang tao, si Jesus ang nakikita nila dahil sa dala nating kabutihan sa kanila. Sabi nga "BE A BLESSING TO OTHERS."



Ngayong New Year, ito ang sabihin natin sa ating sarili:



"May magandang plano ang Diyos para sa akin at naniniwala ako na Siya ang MAY HAWAK NG FUTURE KO. GOD will MAKE A WAY for me this New Year."



"Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa Kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti." (Roma 8:28)