Bawat isa sa atin ay may kinatatakutan o phobia. May mga taong takot sa dilim (nyctophobia), sa mga hayop gaya ng ahas (ophidiophobia) at aso (cynophobia), sa apoy (pyrophobia), dugo (hemophobia), tulay (gephyrophobia), takot mag-isa (monophobia), maging sa pagsasalita sa harap ng maraming tao (glossophobia) at marami sa atin o halos lahat sa atin ay takot sa kamatayan (thanatophobia).
Hay! Mag-relax nga tayo! Mas malaki ang DIYOS kaysa sa mga kinatatakutan natin. Sabi nga - dapat nating katakutan ang Diyos kaysa sa ibang bagay pero hindi takot ang kaloob Niya sa atin kundi pag-ibig at mapayapang isip.
Paano nga ba natin makakamit ang pagkakaroon ng pag-ibig mula sa Diyos at mapayapang isip? Simple lang pero para sa iba ay mahirap gawin - ang sumunod sa kanyang mga utos. Sabi sa aklat ng mga Awit (128:1-2), ang sumusunod sa Kanyang utos ay hindi magkukulang sa anumang kailangan, uunlad at magiging maligaya ang buhay.
Sa tuwing pumupunta tayo sa mga simbahan, kadalasang bubungad sa atin ang dalawang tablets kung saan nakasulat ang mga utos ng Diyos na ipinabatid sa atin sa pamamagitan ni Moises. Ang una hanggang ikatlong utos ay nagpapatungkol sa tungkulin natin sa Diyos samantalang ang ikaapat hanggang ikasampu naman ay sa kapwa natin. Ngayon, bigyang-pansin natin ang ikaapat na utos - IGALANG MO ANG IYONG AMA AT INA.
Maihahalintulad ang paggalang sa magulang sa pagkakaroon ng loyalty card sa isang store. 'Pag patuloy mo itong isinagawa, marami kang freebies na makukuha mula sa store manager - si GOD dahil ang paggalang sa magulang ay kalugod-lugod sa Kanya (Col 3:20).
Ano-ano nga ba ang mga freebies na ating makukuha sa pagtupad sa utos na ito? Ayon sa Chapter 3 ng Aklat ni Sirac, ang gumagalang sa kanyang magulang ay nakababayad na sa mga kasalanan, paliligayahin ng magiging mga anak, nag-iimpok ng kayamanan. diringgin agad ng Diyos ang panalangin, pahahabain ang buhay, ikararangal ng sinuman, sasakanya ang pagpapala ng ama na sinasabing nagpapatatag ng buhay at nagdudulot ng kaaliwan sa ina (sabi nga, walang katumbas na kayamanan ang makitang nakangiti ang ating ina). Ang dami di ba?
Maisasabuhay natin ang lahat ng ito kung gagawin nating model ang HOLY FAMILY. Siguro sasabihin ng iba, mahirap maging katulad nila dahil sa ngayon wala na tayong masasabing perfect family. Hindi naman sinasabing magpakaperpekto ang pamilya kundi i-maintain lang natin ang pagiging BUO nito sa pamamagitan ng pagbibigkis ng pag-ibig ng Diyos.
Makakamit natin ang bagay na iyon kung isasapuso natin ang sinabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Colosas (3:12) - "Kayo'y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa Kanya at minamahal Niya. Kaya't dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin."
Sa isang pamilya, kailangan ang PATIENCE - unawain ang kakulangan at kamalian ng bawat isa. Hindi 'yung konting pagkakamali lng ay nagsisigawan na agad. Give and take - ibigay ang comments sa maayos na paraan at tanggapin ang pagkakamali.
LOVE ONE ANOTHER - ito raw ang daan para maging united ang isang pamilya. Pananatilihin ninyo ang pagkakaisa sa pamilya kasi mahal n'yo ang isa't isa. Hindi gagawa ng pagkakamali o mga bagay na pwedeng makasakit (emotional and physical) sa kapamilya kasi mahal n'yo ang isa't isa. Walang mag-aasawang magtataksil. Walang amang malululong sa bisyo gaya ng pag-inom ng alak, pambabae at pagsusugal. Walang inang magkakalat ng chismis at magiging bungangera sa bahay. Walang anak na mangungupit at magloloko sa pag-aaral. Gagawin ng lahat ang makapagpapasaya sa bawat isa dahil sa PAG-IBIG. All we need is PAG-IBIG!
Dapat na maging center ng buhay ng pamilya ang KAPAYAPAANG kaloob ni Kristo. Itanim ng bawat member ng pamilya ang salita Niya sa isip at puso.
"Anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama." (Col 3:17)